Dagupan City – Hindi muna magtatalaga si Urdaneta City Mayor Blesildo “Doc Bles” Sumera ng mga kapalit sa pitong bakanteng puwesto sa Sangguniang Panlungsod habang hinihintay ang pinal na legal opinion ng Department of the Interior and Local Government o DILG.
Ayon sa tanggapan ng alkalde, nais muna nilang matiyak na naaayon sa batas ang proseso ng paghirang sa mga bagong konsehal upang maiwasan ang mga kuwestiyon sa legalidad ng kanilang pagkakatalaga at sa mga magiging aksiyon ng konseho.
Sa ppanayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert, nakasalalay sa naaangkop na batas ang awtoridad sa paghirang ng mga papalit sa mga bakanteng puwesto.
Aniya, sa ilalim ng Local Government Code, gobernador ang may kapangyarihang magtalaga sa ilang bakanteng posisyon sa konseho ng bayan, batay sa rekomendasyon ng kaukulang partido.
Ngunit dahil isang chartered city ang Urdaneta, kailangang isaalang-alang ang probisyon ng Urdaneta City Charter na nagbibigay ng kapangyarihan sa alkalde na magtalaga ng kapalit.
Ipinaliwanag din ni Cera na kailangang matukoy muna kung maituturing nang permanenteng bakante ang mga posisyon.
Dahil kung mayroon pang nakabinbing apela o kinukuwestiyong desisyon sa mas mataas na hukuman, posible pa umanong makabalik sa puwesto ang mga apektadong opisyal.
Dahil dito, maaaring hindi muna ituloy aniya ang mga appointment hangga’t wala pang pinal na resolusyon.
Samantala, hinggil naman sa pag-giit ng mga konsehal na obligasyon ng alkalde na mag-isyu ng appointment sa loob ng limang araw mula nang matanggap ang kanilang rekomendasyon, alinsunod umano sa Section 23(d) ng Republic Act 8480 o Urdaneta City Charter. Nagbanta rin sila na magsasampa ng mandamus proceedings at administrative complaints sakaling hindi ito matupad.
Ipinaliwanag ni Cera na ang mandamus ay isang legal na remedyo upang obligahin ang isang opisyal na gampanan ang isang tungkuling ipinag-uutos ng batas at wala siyang pagpapasya kung gagawin ito o hindi.
Subalit bago ito maipatupad, kailangang malinaw muna kung anong batas ang dapat manaig at kung talagang umiiral na ang obligasyong hinihingi sa alkalde.
Home Local News Urdaneta City mayor, hindi muna magtatalaga ng pitong konsehal habang hinihintay ang...










