Nakaalerto at patuloy na nakahanda ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Santa Barbara, Pangasinan, sa posibleng epekto ng matinding init at kakulangan ng tubig sa kanilang bayan.
Sa kabila ng kawalan umano ng kasalukuyang pag-ulan, binabantayan pa rin ng ahensya ang posibleng epekto ng drought, partikular sa kalusugan ng mga residente at sektor ng agrikultura.
Ayon kay Raymondo Santos ng MDRRMO Santa Barbara, tuloy-tuloy ang kanilang paghahanda dahil bukas at may nakatalagang personnel ang kanilang tanggapan sa loob ng dalawampu’t apat na oras, maging tuwing Sabado, Linggo at mga holiday.
Kabilang sa kanilang binibigyang-pansin ang posibleng epekto ng matinding init sa mga magsasaka. Pinapayuhan din ang mga ito na pag-isipang mabuti ang mga pananim na nangangailangan ng maraming tubig upang maiwasan ang posibleng pagkalugi sakaling magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Paalala rin ng MDRRMO sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig at hangga’t maaari ay muling gamitin ang pinagbanlawan o pinaghugasan para sa iba pang gawaing paglilinis.
Bukod dito, pinapayuhan ang mga residente na iwasang lumabas sa mga oras na pinakamainit ang panahon kung wala namang mahalagang lakad. Mahalaga rin ang pag-inom ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration.
Sa kabila ng mga paghahandang ito, muling pinaalalahanan ng MDRRMO Santa Barbara ang mga residente na maging maingat sa gitna ng matinding init ng panahon.
Pinakamahalaga ang pag-inom ng sapat na tubig, pag-iwas sa matagal na pagbibilad sa araw at pagtitipid sa suplay ng tubig.
Patuloy namang nakaantabay ang kanilang mga emergency response personnel upang agad na makatugon sa pangangailangan ng mga residente sakaling magkaroon ng emergency.










