Nakiisa ang Lokal na Pamahalaan ng San Fabian at mga siklista sa Padyak Kontra Droga na inorganisa ng Department of Health Drug Treatment and Rehabilitation Center Dagupan noong Nobyembre 21, 2026. Kasabay ito ng pagdiriwang ng Drug Abuse Prevention and Control Week. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na tatlong lokal na pamahalaan ang sama-samang nakibahagi sa aktibidad. Bukod sa San Fabian, nakiisa rin ang mga kinatawan at siklista mula sa Mangaldan at Dagupan.
Nagsilbing assembly area ng mga siklista mula sa San Fabian ang Public Auditorium ng bayan. Doon sila nagtipon-tipon bago sabay-sabay na nagbisikleta patungo sa DOH Drug Treatment and Rehabilitation Center sa Bonuan Binloc, Dagupan City. Bilang suporta sa mga kalahok, naghanda ng almusal ang lokal na pamahalaan para sa mga siklista at iba pang dumalo. Nagsagawa rin ng Zumba session para sa mga kalahok at iba pang naroroon.
Kapansin-pansin ang partisipasyon ng iba’t ibang henerasyon ng mga siklista mula sa San Fabian. Ang pinakamatandang kalahok ay nasa edad na 70 taong gulang, habang ang pinakabata ay 13 taong gulang. Pagdating sa DOH Drug Treatment and Rehabilitation Center, isinagawa ang isang programa na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan. Kabilang dito ang Bureau of Jail Management and Penology, Center for Health Development, Justice Zone, Philippine Drug Enforcement Agency, Department of Education, at Philippine National Police.
Binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan, institusyon, pamilya, at komunidad upang maiwasan ang paglaganap ng ilegal na droga. Nagsimula ang inisyatibong Padyak Kontra Droga noong 2012 bilang programa na gumagamit ng pagbibisikleta upang mapalawak ang kamalayan ng publiko sa masamang epekto ng ilegal na droga. Pansamantalang nahinto ito noong 2019 dahil sa pandemya at muling ipinagpatuloy noong 2024. Patuloy itong isinasagawa hanggang sa kasalukuyan bilang bahagi ng kampanya para sa ligtas at drug-free na pamayanan










