Dagupan City – Nagbabala ang grupong Bantay Bigas sa posibleng epekto sa lokal na mga magsasaka at seguridad sa pagkain ng Pilipinas ng planong pagpapalawak ng kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, nangangamba silang lalo pang malulugi ang mga lokal na magsasaka kapag mas pinaboran ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural mula sa Amerika sa halip na palakasin ang lokal na produksyon.
Nanawagan si Estavillo sa publiko na tutulan ang mga hakbang na aniya’y maaaring magpahina sa kakayahan ng Pilipinas na sariling tugunan ang pangangailangan nito sa pagkain, sa kabila ng likas na yaman at potensiyal ng bansa sa agrikultura.
Dagdag pa niya, posibleng lalo pang lumala ang sitwasyon ng mga magsasaka dahil sa mga umiiral na patakaran sa liberalisasyon ng kalakalan, kabilang ang Rice Tariffication Law, na ayon sa grupo ay nagpalawak sa pagpasok ng imported na bigas at nagdulot ng kompetisyon sa lokal na ani.
Binigyang-diin din nito na sa ilalim ng liberalisasyon ng kalakalan, mas lumawak ang papel ng pribadong sektor sa pag-aangkat ng bigas, habang nabawasan ang direktang kontrol ng pamahalaan sa pagpasok ng imported na produkto.
Samantala, nauna nang nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi nangangahulugan ang pagbubukas ng merkado ng Amerika na doon na lamang kukuha ng suplay ng pagkain at enerhiya ang Pilipinas.
Layunin aniya nitong magkaroon ng mas maraming mapagkukunan ng mga pangunahing produkto upang hindi umasa sa iisang bansa. Kabilang sa mga produktong pinag-uusapan ang soybeans, wheat at bigas.










