Dagupan City – Isinusulong ng Department of Education (DepEd) Region I ang pagkakaroon ng School Guidance Associates sa mga paaralan bilang alternatibong hakbang upang matugunan ang kakulangan ng mga guidance counselor na tututok sa kapakanan at emosyonal na pangangailangan ng mga mag-aaral.

Ayon kay Dr. Estela Cariño, Regional Director ng DepEd Region I, layunin ng programa na magkaroon ng nakatalagang personnel sa bawat paaralan na makikinig, gagabay at tutulong sa mga mag-aaral na nakararanas ng personal, emosyonal at iba pang suliranin.

Binigyang-diin na mahalaga ang pagkakaroon ng taong mapagkakatiwalaan ng mga mag-aaral, lalo na sa mga pagkakataong nangangailangan sila ng makikinig at magbibigay ng tamang direksyon sa kanilang mga problema.

--Ads--

Kabilang sa mga tututukan ng School Guidance Associates ang mga isyu ng bullying sa loob ng paaralan. Inaasahang susuriin nila ang mga ugat ng naturang problema, mangangalap at mag-aayos ng mga kaugnay na impormasyon, at gagabay sa mga mag-aaral upang mabawasan ang mga insidente ng pambubully.

Sa pamamagitan nito, mabibigyan din ng pagkakataon ang mga guro na higit na makapagpokus sa kanilang pangunahing tungkulin na magturo, habang may mga nakatalagang personnel na tututok sa paggabay at kapakanan ng mga mag-aaral.

Ipinaliwanag ni Cariño na tinawag na Guidance Associates ang mga ito dahil hindi pa sila nakapasa sa kinakailangang pagsusulit upang maging ganap na licensed guidance counselor, bagama’t kahalintulad ng ilang tungkulin nito ang kanilang gagampanan.

Binigyang-diin din ang pangangailangan ng sapat na pagsasanay para sa mga Guidance Associates dahil sensitibo at mabigat ang mga suliraning kanilang haharapin sa pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral.

Target ng DepEd na magkaroon ng Guidance Associate sa bawat paaralan, habang mas marami ang inaasahang italaga sa malalaking paaralan, partikular sa mga national high school, na may mungkahing isang guidance personnel sa bawat 500 mag-aaral.