Dgaupan City – Ibinaba ng Pag-IBIG Fund ang interest rate sa pabahay upang matulungan ang mga miyembro na makabili o makapagpagawa ng kanilang pangarap na bahay.
May dalawang mandato ang Pag-IBIG, ang provident savings o pag-iipon ng mga miyembro at ang pabahay.
Sa ilalim ng bagong rates, mas magiging abot-kaya ang housing loan para sa mga miyembro.
Sinabi ni Jacqueline O. Constantino, Vice President, MSO Luzon Group ng Pag-IBIG Fund na nasa 3 percent ang interest rate para sa mga minimum wage earner na pasok sa socialized housing limit.
Ang limit ay 950,000 piso para sa horizontal at 1,800,000 piso para sa vertical. Para naman sa mas malaki ang kinikita kada buwan, ibinaba rin ang rates upang mas mapagaan ang buwanang hulog.
Mayroon ding promotional rate para sa mas malalaking loan. Nasa 4.5 percent ang rate kung ang hihiramin ay hanggang 4,900,000 piso.
Nasa 5.75 percent naman kung ang hihiramin ay mula 4,900,000 piso hanggang 10,000,000 piso. Dati ay 6.25 percent ang rate at 6,000,000 piso lamang ang maximum na puwedeng hiramin.
Ang promotional rate ay hanggang Disyembre 2026 lamang at babalik sa 6.25 percent sa susunod na taon.
Ang maximum loan term sa pabahay ay 30 years at nakadepende ito sa edad ng borrower. Ang pag-compute ay 70 years old minus ang edad ng borrower sa oras ng application. Kaya kung 40 years old pababa ang aplikante, puwede siyang makakuha ng 30 years na term.
Hinikayat din ang lahat ng kumikita ng higit sa 1,000 piso na mag-member na sa Pag-IBIG dahil malaki ang dibidendo, walang tax, at makukuha ang lahat ng housing at provident benefits.










