Mixed feelings at hindi makapaniwala—ganito inilarawan ng bagong board topnotcher na si Engr. Luis Reden Delos Reyes De Vera mula sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan ang kanyang pakiramdam matapos masungkit ang ika-limang puwesto sa buong bansa sa katatapos na November 2026 Aeronautical Engineers Computer-Based Licensure Examination.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. De Vera, na nagtapos bilang Cum Laude ng Batch 2025 sa WCC Aeronautical and Technological College, Inc. sa Binalonan, Pangasinan at nakakuha ng 91.85-percent rating sa pagsusulit, inamin nitong hindi niya unang pangarap ang nasabing kurso dahil ang pagpipiloto talaga ang una niyang nais tahakin.
Ibinahagi rin nitong hindi siya naging kampante sa kanyang naging performance noong araw ng pagsusulit sa PRC Rosales, kaya maging ang pagtingin sa resulta ay pinangambahan niya.
Paliwanag nito, malaking tulong sa kanyang tagumpay ang malalim na pag-unawa o comprehension sa mga konsepto ng paglipad ng eroplano, bukod pa sa scholarship at suportang ibinigay ng kanyang alma mater na matagal nang nangangarap na makapagprodyus ng topnotcher mula sa lalawigan.
Bagama’t aminadong suko na siya sa kalagitnaan ng kanyang review, nagpatuloy pa rin siya sa tulong ng panalangin, pamilya, at mga guro.
Sa ngayon, pinapakiramdaman muna ng bagong inhinyero ang takbo ng aviation industry sa bansa bago tuluyang pasukin ang larangan na nakatuon sa pagtiyak sa kaligtasan at airworthiness ng mga sasakyang panghimpapawid.
Nag-iwan naman ng mensahe si Engr. De Vera sa mga kapwa kabataan at board exam takers na huwag mawawalan ng pag-asa, magtiwala sa sarili, at patuloy na magsumikap upang makamit ang kanilang mga pangarap.










