Mariing tinututulan ng grupong Kabataan Partylist ang isinusulong na House Bill No. 11758 o ang Act Establishing the Advanced Industries Zone sa New Clark City, Capas, Tarlac, dahil para umano ito sa interes ng mga dayuhan at hindi para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Riki Nuñez, Coordinator ng Kabataan Partylist Pangasinan Chapter, iginiit nitong ginagamit umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang mga kaalyado sa Kongreso upang mailusot ang tinatawag nilang “Pax Silica bill” matapos itong hindi malagdaan sa nakaraang ASEAN Summit.

Paliwanag ni Nuñez, sa ilalim ng nasabing panukalang batas, ituturing na tila hiwalay na bansa ang itatayong special economic zone sa Capas, Tarlac kung saan walang buwis ang mga produktong papasok dito at ituturing namang export ang mga ilalabas.

--Ads--

Pinangangambahan din ng grupo na magkakaroon ng mas malawak na kapangyarihan ang itatatag na Advanced Industries Development Authority o AIDA kaysa sa mga lokal na pamahalaan, at magsisilbi lamang itong governing body ng Estados Unidos.

Dagdag pa nito, hindi tunay na industriyalisasyon ang hatid ng proyekto kundi pagpapalayas lamang sa mga katutubo at magsasaka mula sa kanilang mga lupain, habang walang katiyakan sa nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa.

Tinuligsa rin nito ang umano’y pagmamaliit sa mga katutubong nagpoprotesta na inaakusahang bayaran lamang.

Dahil dito, nanawagan ang Kabataan Partylist sa mga kapwa estudyante at sa publiko na makialam, bantayan ang galaw sa Kongreso, at makiisa sa mga pagkilos upang ipaglaban ang interes ng mga manggagawa, magsasaka, at katutubo.