Dagupan City – Pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City ang ugnayan ng iba’t ibang ahensya at sektor ng komunidad sa kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng isinagawang 2026 City Drug Summit.
Idinaos ang pagtitipon sa Kevin’s Function Hall sa Barangay Mamarlao bilang pakikiisa sa paggunita ng 2026 Drug Abuse Prevention and Control o DAPC Week, na may temang pagpapalakas ng pamamahala at pagtutulungan ng mga ahensya laban sa ilegal na droga.
Pinangunahan ni City Mayor Julier “Ayoy” C. Resuello, na siyang chairperson ng Anti-Drug Abuse Council o ADAC, ang pagbubukas ng programa. Ibinahagi naman ni ADAC Focal Person Jerome Palaganas ang mga layunin ng naturang aktibidad.
Tinalakay sa summit ang iba’t ibang aspeto ng kampanya kontra droga, kabilang ang tamang paghawak ng ebidensya at pagsasampa ng mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga, mga karapatan ng mga inaakusahan, due process, at mga proseso para sa rehabilitasyon.
Binigyang-pansin din ang pagpapalakas sa mga Barangay Anti-Drug Abuse Council o BADAC, gayundin ang mga estratehiya ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at Philippine National Police o PNP sa pagpigil at pagsugpo sa ilegal na droga.
Nagbahagi rin ng mga kaalaman at pananaw sina City Prosecutor Atty. Glenn R. Lumanlan, Atty. Mia Angela B. Royulada, DILG Pangasinan Provincial Director Atty. Gerald D. Gallardo, PDEA Pangasinan Provincial Officer IA V Dexter B. Asayco, at PNP San Carlos City OIC-Chief of Police PLTCOL Lawrence Keith D. Calub.
Nagkaroon din ng open forum at panel discussion kung saan nasagot ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ang mga katanungan ng mga dumalo hinggil sa pagpapatupad ng mga batas, operasyon kontra droga, at papel ng komunidad sa pag-uulat ng mga ilegal na gawain.
Bilang bahagi ng aktibidad, lumahok ang mga dumalo sa Community Pledge and Action Planning at lumagda sa Commitment Wall bilang pagpapakita ng kanilang pangako na makiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa pamamagitan ng naturang summit, binibigyang-diin ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mga ahensya, barangay at mamamayan upang maisulong ang isang ligtas at drug-free na komunidad.










