Ramdam na ng mga tricycle driver sa lungsod ng Dagupan ang ginhawang dulot ng ikatlong sunod na linggong pagbaba sa presyo ng gasolina, bagama’t aminado ang ilan na nananatiling matumal ang kita dahil sa kakulangan ng pasahero.
Batay sa tala ng Department of Energy, malaki na ang naging net rollback ng produktong petrolyo mula nang nag-umpisa ang buwan ng Nobyembre.
Umaabot na sa ₱17.80/L ang nabawas sa Gasolina, ₱11.50/L naman sa Diesel at ₱13 00/L ang Kerosene.
Ayon kay Gaudencio Tamayo, Overall President ng Centro Dagupan ikinatuwa ng kanilang hanay ang sunod-sunod na rollback dahil nadaragdagan nito ang kanilang naiuuwing kita araw-araw.
Mula sa dating nasa ₱80 kada litro, bumaba na umano ito sa humigit-kumulang ₱60 hanggang ₱70, na nagbibigay sa kanila ng dagdag na tipid.
Saad pa ni Tamayo, malaking tulong ang pagiging matatag ng presyuhan ngayon kumpara noon na agad ding sinusundan ng malakihang taas-presyo.
Dahil dito, mas malayang nakakaikot ang mga driver upang maghanap ng pasahero at nasusunod din nang maayos ang itinakdang fare matrix sa lungsod.
Umaasa ang kanilang grupo na magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng petrolyo hanggang sa nalalapit na Kapaskuhan.
Samantala, bagama’t malaking tulong ang ikatlong linggong rollback, sinabi naman ni TODA President Derick Garcia na hindi pa rin sapat ang kanilang kinikita sa araw-araw dahil sa mahinang pasada.
Paliwanag ni Garcia, umaabot lamang sa ₱300 hanggang ₱400 ang kanilang kinikita sa isang araw, na kadalasang napupunta rin sa pambayad ng utang.
Dahil sa tumal ng biyahe pagsapit ng hapon at tanging alas-7:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali lamang malakas ang pasahero hindi na sila nagpapa-full tank at pinagkakasya na lamang sa ₱100 hanggang ₱150 na karga ng gasolina habang nakapila sa terminal.
Sa kabila nito, nagkakaisa ang mga tricycle driver sa panawagan sa pamahalaan na bantayan ang presyuhan sa merkado at panatilihin ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo upang tuluyang makabangon ang sektor ng transportasyon.










