Dagupan City – Patuloy na hinihikayat ng Lokal na Pamahalaan ng Villasis ang mga magsasaka, lalo na ang mga nagtatanim ng lowland vegetables at talong, na ipagpatuloy ang produksyon ng talong na itinuturing na pangunahing ani ng bayan.

Ayon kay Dionisio Cariño Jr., Municipal Agriculturist ng Villasis, mahalaga ang patuloy na pagtatanim ng talong upang mapanatili ang sapat na suplay ng gulay at matiyak ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Villasis.

Bilang tugon, puspusan ang suporta ng LGU sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at tulong na direktang nakatuon sa pagpapalakas ng produksyon.

--Ads--

Kabilang sa mga ibinibigay na tulong ang farm input subsidies tulad ng binhi at pataba, gayundin ang pagpapahiram at paggamit ng makabagong makinarya sa pagsasaka upang mapabilis at mapahusay ang pagtatanim at pag-aani.

Malaking tulong din sa mga magsasaka ang libreng patubig sa pamamagitan ng solar-powered irrigation system na layong mabawasan ang gastusin sa produksyon at masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa mga sakahan.

Tiniyak ng pamahalaang bayan na magpapatuloy ang mga programang ito upang mapalakas pa ang sektor ng agrikultura at mahikayat ang mas maraming magsasaka na manatili at mamuhunan sa pagtatanim ng talong at iba pang gulay.

Sa pamamagitan ng pinagsamang pagsisikap ng LGU at mga magsasaka, inaasahang mapananatili ang katatagan ng produksyon ng gulay sa Villasis at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa bayan.