Inaprubahan ng Committee on Health ng House of Representatives ang panukalang batas na magpapalit sa pangalan ng Region I Medical Center (R1MC) at gagawing Speaker Jose de Venecia Jr. Memorial Medical Center.
Ayon kay 4th District Pangasinan Congresswoman Manay Gina de Venecia, isinulong ng ilang mga kongresista mula sa Pangasinan ang naturang panukala upang bigyang pagkilala ang ambag sa rehiyon ni dating House Speaker Jose de Venecia Jr.
Layunin ng panukala na parangalan ang naging kontribusyon ni de Venecia sa pagpapaunlad ng serbisyong pangkalusugan sa Pangasinan.
Isa sa mga pangunahing tinukoy na nagawa nito ay ang pagsusulong ng batas na nag-convert sa dating Gov. Teofilo Sison Memorial Provincial Hospital upang maging Region I Medical Center noong 1995.
Sa oras na tuluyang maaprubahan ng Kamara at Senado at malagdaan bilang batas, opisyal nang tatawaging Speaker Jose de Venecia Jr. Memorial Medical Center ang kasalukuyang R1MC.
Ang ospital ay isa sa pinakamalalaking pampublikong pagamutan sa Ilocos Region na may awtorisadong bed capacity na 1,500 at nagsisilbing pangunahing referral hospital sa rehiyon.
Samantala, inaasahang magpapatuloy pa ang deliberasyon ng panukala sa mga susunod na yugto ng proseso ng lehislatura bago ito tuluyang maisabatas.










