Patuloy na isinasagawa ng Dagupan City National High School ang mga programang nagpapalakas sa kasanayan sa pagbasa at pagbilang ng mga mag-aaral para sa School Year 2026-2027.

Ayon kay Dr. Willy Guieb, Principal IV ng paaralan, nananatiling bahagi ng instructional block ang mga aktibidad para sa basic literacy at numeracy upang matulungan ang mga estudyanteng nangangailangan ng karagdagang suporta.

Ipinagmalaki rin ng paaralan ang pagtaas ng literacy recovery rate ng kanilang mga mag-aaral sa mga nakaraang taon at umaasang magpapatuloy ito ngayong school year.

--Ads--

Agad na isasama sa Reading Literacy Program ang mga mag-aaral na matutukoy na nangangailangan ng intervention upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa unang bahagi pa lamang ng taon.

Batay sa datos ng paaralan, karamihan sa mga nangangailangan ng literacy recovery ay mula sa Grade 7 at Grade 8, partikular ang mga bagong pasok sa high school.

Ipinaliwanag ni Guieb na hindi pare-pareho ang learning recovery ng mga mag-aaral dahil sa magkakaibang karanasan noong panahon ng pandemya kaya patuloy silang binibigyan ng sapat na gabay at suporta.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang enrollment para sa School Year 2026-2027 at hinihikayat ang mga magulang na ipa-enrol na ang kanilang mga anak.

Pinaalalahanan din ng paaralan ang mga mag-aaral na panatilihin ang regular na pagpasok upang hindi maapektuhan ang kanilang pag-aaral at promosyon sa susunod na baitang.