Dagupan City – Patuloy na isinusulong sa ilalim ng Corporate Farming Program ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagtatanim ng palay upang mapataas ang produksyon, mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka, at matugunan ang mga hamon dulot ng pabago-bagong klima.

Ayon kay Anielyn Alibog, Research Development Coordinator, dumarami na ang mga magsasakang gumagamit ng broadcasting o sabog-tanim na pamamaraan sa kanilang mga sakahan.

Sa sistemang ito aniya ay direktang isinasabog ang mga binhi sa inararo at inihandang lupa sa halip na dumaan pa sa tradisyunal na pagpupunla at paglilipat-tanim.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Alibog na hindi na kinakailangang hintayin ng mga magsasaka ang malalakas na pag-ulan bago makapagsimula ng pagtatanim.

Sa pamamagitan ng sabog-tanim, maaari nang maitanim ang mga binhi kahit hindi pa dumarating ang tag-ulan, basta’t maayos na naihanda ang lupa.

Bukod sa pagtitipid sa tubig, nakatutulong din ang teknolohiyang ito sa pagbawas ng gastos sa paggawa dahil hindi na kailangan ng mas maraming manggagawa para sa pagpupunla at paglilipat ng punla.

Dahil dito, mas napapabilis aniya ang proseso ng pagtatanim at mas napapakinabangan ng mga magsasaka ang kanilang oras at puhunan.

Dagdag pa kay Alibog, bahagi ng Corporate Farming Program ang pagpapakilala ng mga makabagong pamamaraan at teknolohiya upang mapataas ang ani ng mga magsasaka at mapalakas ang sektor ng agrikultura sa lalawigan.

Kabilang dito ang paggamit ng de-kalidad na binhi, wastong pamamahala ng lupa, at mga modernong teknik sa pagsasaka.