Hinikayat ni Calasiao Mayor Patrick Caramat ang mga residente ng bayan na patuloy na magkaisa at maging matatag kasabay ng paggunita sa ika-127 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Caramat na ang watawat ng Pilipinas ay sagisag ng kalayaan at isa sa pinakamahalagang simbolo ng bansa.

Aniya, mahalagang balikan at alalahanin ng bawat Pilipino ang mga sakripisyo at paghihirap na pinagdaanan ng mga bayani upang makamit ang kalayaang tinatamasa ng bansa sa kasalukuyan.

--Ads--

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at malasakit sa kapwa, lalo na sa panahon ng mga sakuna at pagsubok.

Kasabay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan, nanawagan si Caramat ng pakikiisa at panalangin para sa mga Pilipinong naapektuhan ng lindol sa ilang bahagi ng Mindanao.

Aniya, mahalagang maipakita ang diwa ng bayanihan at pagkakaisa ng mamamayang Pilipino sa panahon ng pangangailangan.
Iginiit din ng alkalde na dapat maging matapang ang bawat isa sa paninindigan para sa tama at magsilbing halimbawa ng pagkakaisa sa kabila ng mga hindi pagkakaunawaan sa pamahalaan.

Aniya, maaaring magsimula ang pagpapakita ng pagkakaisa sa lokal na antas upang maging huwaran sa mas malawak na komunidad.

Umaasa rin ito na patuloy na maipapakita ng mga residente ng Calasiao ang pagtutulungan, pagkakaisa, at malasakit sa isa’t isa bilang patunay ng isang matatag at maunlad na pamahalaang lokal.