Dagupan City – Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa bulubunduking bahagi ng Purok 3, Sitio Four-way, Brgy. Batang sa bayan ng Infanta dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay Pcapt. Jayson Orilla, OIC, Infanta PNP, nakatanggap ng tawag ang Infanta PS mula sa isang residente sa nasabing lugar, na may natagpuang bangkay ng isang lalaki kaya naman agad na rumesponde ang mga tauhan ng Infanta PS sa nasabing lugar.
Kinilala ang biktima na si Daniel Movilla Boniel Jr., 73 taong gulang, may asawa, manggagawa, at residente ng Sitio Nambalan, Brgy. Cato, Infanta, kung saan ay nasa estado na ng pagkakaagnas.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, huling nakita ang biktima na umalis sa kanilang bahay noong Enero 2, 2025, upang manghuli ng mga labuyong manok sa nasabing lugar.
Ayon sa kanyang asawa , bago umalis ay nagsumbong ang biktima na sumasakit ang kanyang ulo at madalas magkasuka.
Iniulat naman ng isang saksi na si Anthony Beltran na nakita niyang naglalagay ng bitag ang biktima sa tuktok ng bundok, ngunit hindi na niya nakita itong bumalik.
Noong Enero 6, 2025, ay naamoy ni Beltran ang isang hindi magandang amoy na nagdala sa kanya upang matuklasan ang katawan ng biktima
Sinabi ni Orilla na walang nakitang anumang palatandaan ng foul play at hinihinalang atake sa puso ang ikinasawi.