Ipinahayag ng One Pangasinan Transport Federation ang kanilang pagkadismaya sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na patuloy umanong nagpapahirap sa sektor ng transportasyon sa lalawigan.
Ayon kay Bernard Tuliao, presidente ng grupo, malaki ang epekto ng hindi mapigil na pagtaas ng presyo ng krudo sa kanilang kabuhayan, lalo na’t umaasa lamang sila sa posibilidad ng rollback upang kahit paano ay mabawasan ang kanilang araw-araw na gastusin sa operasyon.
Giit pa nito, nananatili ang kanilang pagkalito sa hindi pa rin pag-apruba ng pamahalaan sa panukalang taas-pasahe, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa langis at iba pang pangangailangan sa biyahe.
Binanggit din ni Tuliao na bagama’t may mga umiiral na polisiya kaugnay ng excise tax, hindi umano nito direktang nararamdaman ng mga tsuper ang anumang ginhawa sa presyo ng krudo.
Umaasa ang grupo na mabibigyan sila ng karagdagang piso sa pasahe at maipatutupad ang hinihiling nilang ₱10 fuel discount upang makatulong sa kanilang araw-araw na kita.
Iminumungkahi rin ng samahan na direktang ipagkaloob sa mga tsuper ang anumang tulong pinansyal, sa halip na dumaan sa service contracting program na ayon sa kanila ay limitado lamang sa piling operator, partikular ang mga may modernisadong jeepney units.
Kaugnay nito, nananawagan din ang grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na muling pag-aralan ang kasalukuyang programa upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga tradisyunal na tsuper na labis na naaapektuhan ng mataas na presyo ng gasolina.
Ayon pa sa One Pangasinan Transport Federation, tatlong buwan na silang dumaranas ng mababang kita, kung saan umaabot na lamang sa ₱300 hanggang ₱400 ang kanilang arawang take-home pay matapos ibawas ang gastusin sa krudo.
Bukod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, dagdag pasanin din umano sa mga tsuper ang pagmahal ng presyo ng mga spare parts ng sasakyan, na lalo pang nagpapabigat sa kanilang kabuhayan.










