Inilarawan ng isang imam sa lungsod ng Dagupan ang simbolismo ng pagdiriwang ng Eid al-Adha ngayong araw sa kanilang kulturang Islam.
Ayon kay Imam Mobarak Abdulcader ng Masjid Khalid Bin Alwaleed sa Lasip Chico ang Eid al-Adha ay isa sa dalawang pinakamahalagang pagdiriwang ng mga Muslim sa bawat taon kasama ang Eid al-Fitr.
Sumisimbolo ang pagdiriwang ng pagsasaya at pagpupugay sa Allah na nagpapakita ng katapatan at pagbabahagi kung saan kabilang aniya sa kanilang tradisyon ang pag-aalay ng mga hayop tulad ng baka at kambing o tupa na ipinapamahagi ang karne nito sa mga mahihirap, kamag-anak, at kapwa Muslim.
Ipinaliwanag niya ang pagkakaiba ng dalawang pagdiriwang kung saan ang Eid al-Fitr ay tanda na natapos na ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadan, kung saan nagbibigay sila ng Zakatul Fitr o tulong na anyong bigas bago ang dasal.
Habang sa Eid al-Adha naman ay nakatuon sa pag-aalay ng mga hayop bilang pagsunod sa halimbawa ni Propeta Ibrahim, na inutusan ng Allah na ialay ang kanyang anak bago ito mapalitan ng tupa.
Pagpapaliwanag nito na ginaganap ang Eid al-Adha sa ika-sampung araw ng buwan ng Dzulhijjah sa kalendaryong Islamiko.
Layunin nito ay alalahanin ang katapatan ni Propeta Ibrahim at sundin ang utos ng Diyos.
Tumatagal ito ng apat na araw kung saan ang unang araw ay ang mismong Eid al-Adha, samantalang ang susunod na tatlong araw ay kilala bilang Ayyam al-Tashrik, kung saan nagpapatuloy ang pagkatay ng mga hayop at pagdiriwang kasama na din ang pamamahagi nito.
Bilang bahagi ng tradisyon, inuutusan ang mga Muslim na magbigay sa mga kapitbahay at kahit sa mga hindi Muslim na nangangailangan ng tulong.










