Dagupan City – Maituturing na ika-17 pasilidad sa buong lalawigan ng Pangasinan at ika-62 sa Rehiyon 1 ang nabuksan na Bagong Balay Silangan Reformation Center kamakailan sa bayan ng Tayug.

Inaasahan itong magiging daan upang mabigyan ng bagong pag-asa at pagkakataong makabangon ang mga sumukong gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

Pinangunahan ang pagpapasinaya ni PDEA Region 1 Regional Director Julius M. Paderes na dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kapulisan, iba pang ahensya ng gobyerno, at mga stakeholder ng komunidad.

--Ads--

Binigyang-diin sa kaganapan na ang pasilidad ay magsisilbing liwanag para gabayan ang mga dating nalulong sa droga tungo sa mas maayos at produktibong kinabukasan.

Bukod sa rehabilitasyon, nag-aalok din ang pasilidad ng mga programa para sa values formation, spiritual enrichment, edukasyon, at mga oportunidad sa kabuhayan upang matulungan ang mga reformist na makabalik sa normal na pamumuhay at maging kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan.

Binigyang-diin naman ni Mayor Tyrone Agabas na ang pagtatayo at pagpapatakbo ng Balay Silangan sa Tayug ay isang mahalagang hakbang para mapanatiling “drug-cleared municipality” ang bayan.

Simbolo aniya ito ng pag-asa, pagbabago, at panibagong pagkakataon para sa mga indibidwal na nagnanais maituwid ang kanilang landas, sa tulong ng komunidad at ng pamahalaan.