Dagupan City – Nakatakdang magsagawa ng kilos-protesta ang August 21 Movement sa Ayala Avenue sa darating na Linggo, katuwang ang Tindig Pilipinas at Gabriela Coalition, bilang bahagi ng kanilang kampanyang “Rally Against Corruption.”

Ayon kay Volt Bohol, presidente ng August 21 Movement, layunin ng protesta na paalalahanan ang pamahalaan na paigtingin ang kampanya laban sa korapsyon at papanagutin ang mga sangkot sa umano’y mga anomalya sa pamahalaan.

Sinabi ni Bohol na hindi sapat ang kasalukuyang imbestigasyon sa mga isyu kaugnay ng flood control anomalies dahil marami pa umanong matataas na personalidad o mga tinatawag na “big fish” ang hindi pa napapanagot sa batas.

--Ads--

Binigyang-diin din niya ang iba pang suliraning kinakaharap ng bansa, kabilang ang impeachment trial at mga nagaganap na usapin sa Senado, na aniya ay patuloy na sinusubaybayan ng publiko.

Tinawag naman ni Bohol na “delaying tactics” ang ilang hakbang na nakikita sa mga kasalukuyang proseso, na ayon sa kanya ay tila indikasyon ng kahirapan ng ilang personalidad na depensahan ang kanilang mga sarili laban sa mga akusasyon.

Nagbabala rin siya sa pamahalaan na huwag balewalain ang sentimyento ng taumbayan. Aniya, mahalagang pakinggan ang hinaing ng publiko upang maiwasan ang mas malawak na pagkadismaya at posibleng mas malalaking pagkilos sa hinaharap.

Inaasahang dadaluhan ng iba’t ibang sektor ang nasabing protesta upang ipanawagan ang transparency, accountability, at mas mahigpit na aksyon laban sa korapsyon sa pamahalaan.