Dagupan City – Mariing kinondena ng August 21 Movement (ATOM) ang paggamit ni Senador Alan Peter Cayetano ng “Laban” sign sa gitna ng mga kontrobersiyang kinahaharap ng Senado.

Ayon kay Volt Bohol, pangulo ng ATOM, hindi umano sinsero ang ginawang paggamit ni Cayetano sa naturang simbolo dahil isa umano ito sa mga kumalaban at bumatikos sa kampo ng mga Aquino sa mga nakaraang taon.

Binatikos din ni Bohol ang umano’y paghahambing ni Cayetano sa sarili kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. matapos gamitin ang “Laban” sign sa gitna ng usapin sa Senado.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Bohol na ang “Laban” sign ay may kasaysayan at partikular na kahulugan. Aniya, nag-ugat ito sa pagtaas ng kamay ng anak ni Ninoy Aquino sa isang pagtitipon, na kalaunan ay naging simbolo ng kanilang kilusan.

Iginiit din niya na sa kasaysayan ng Senado, ang naging pamumuno ni Cayetano ay isa umanong halimbawa ng magulong liderato, bagay na hindi dapat ikumpara sa mga sakripisyong ginawa ni Ninoy Aquino para sa demokrasya.

Nilinaw naman ni Bohol na ang kanilang paninindigan ay hindi paninira kundi pagtatanggol sa alaala at sakripisyo ni Ninoy Aquino, na minsan umanong tinawag na komunista ng kanyang mga kritiko.

Dagdag pa niya, marami namang gumagamit ng letrang “L” bilang simbolo na may iba’t ibang kahulugan. Gayunman, sinabi niyang hindi dapat gamitin ang imahe at pangalan ng mga Aquino para sa pansariling interes matapos umano ang mahigit isang dekadang paninira laban sa kanilang pamilya.

Samantala, nanawagan si Bohol sa mga awtoridad na papanagutin at usigin ang mga nasa likod ng malalaking katiwalian sa pamahalaan. Hinikayat din niya ang mga mambabatas na bigyang-pansin ang mga nakabinbing usapin, kabilang ang mga reklamong may kaugnayan sa korapsyon at impeachment.

Umaasa rin ang ATOM na matigil na ang mga isyung nagsisilbing diversion upang hindi matabunan ang mga mas mahahalagang usapin na dapat tutukan ng pamahalaan at ng Kongreso.

Sa kabila nito, sinabi ni Bohol na nananatili ang kanyang pag-asa na unti-unti nang nakikita ang mga bunga ng ipinaglaban ng mga Pilipino noong 1986 para sa demokrasya at mabuting pamamahala.