Dagupan City – Sugatan ang driver ng isang modern jeepney at ilang pasahero matapos itong makabanggaan ng isang dump truck sa kahabaan ng Provincial Road, tapat ng Santa Maria de Pila Shrine sa Barangay San Patricio sa bayan ng Santa Maria.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng modern jeepney ang kalsada mula silangan patungong kanluran habang ang dump truck naman ay nagmumula sa bypass road at patungong hilaga.

Pagsapit sa interseksyon, nagbanggaan ang dalawang sasakyan matapos umanong tumawid ang dump truck habang mabilis na umaandar ang modern jeepney, dahilan upang mabangga nito ang kanang unahang bahagi ng truck.

--Ads--

Dahil sa lakas ng salpukan, nagtamo ng mga pinsala ang driver ng modern jeepney at ilan sa mga sakay nito.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Santa Maria Police Station, Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), CIASI, at mga sibilyan upang magbigay ng paunang lunas at dalhin ang mga nasugatan sa Eastern Pangasinan District Hospital sa Tayug at sa Conrado F. Estrella Regional Medical and Trauma Center sa Rosales.

Samantala, hindi naman nasugatan ang driver at pahinante ng dump truck.

Ayon sa mga awtoridad, nasa maayos at matatag na kondisyon na ang mga nasugatang biktima.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Santa Maria Police Station ang dalawang sasakyang sangkot habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente at kung may pananagutan ang sinuman sa insidente.