Target ng Commission on Elections (COMELEC) Region 1 na makapagtala ng hindi bababa sa 150,000 bagong rehistradong botante sa pagbubukas ng voter registration para sa May 8, 2028 National and Local Elections.
Ayon kay COMELEC Region 1 Regional Director Atty. Reddy C. Balarbar, magsisimula ang voter registration sa November 10, 2026 hanggang July 30, 2027 o mahigit 260 araw para makapagpatala ang mga kwalipikadong botante.
Sinabi ni Balarbar na inihahanda na ng mga election officer ang mga voter registration machine upang matiyak na gumagana ang mga ito at maiwasan ang anumang aberya sa proseso ng pagpaparehistro.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 3,681,582 regular voters at 1,301,421 SK voters sa buong Region 1, habang nasa 125 ang functional voter registration machines na nakahanda sa iba’t ibang tanggapan ng COMELEC.
May nakalaang express lanes at special satellite registration para sa mga senior citizen, persons with disabilities, buntis at indigenous peoples, habang ipatutupad din ang Register Anywhere Program at mall registration upang mas mapadali ang pagpaparehistro ng mga estudyante at nagtatrabahong nasa ibang lugar.
Pinayuhan naman ni Balarbar ang mga kwalipikadong botante na huwag nang hintayin ang mga huling araw ng registration upang maiwasan ang mahabang pila at matiyak ang kanilang pagkakataong makaboto sa 2028 elections.










