Inaanyayahan ng Office of Civil Defense (OCD) Region 1 ang lahat ng mamamayan na makilahok sa isasagawang Fourth Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) bukas, Nobyembre 5, alas-nuwebe ng umaga.

Ito ang panawagan ni Adreanne Pagsolingan, Public Information Officer ng OCD Region 1, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.

Ayon kay Pagsolingan, sabay-sabay na magsasagawa ng duck-cover-and-hold ang buong bansa bukas bilang bahagi ng NSED, kung saan ang Lingayen, Pangasinan ang napiling pilot venue sa Region 1.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Pagsolingan na napakahalaga ng pagsasagawa ng earthquake drill upang matiyak na handa ang mga mamamayan, mga opisina at mga ahensya ng gobyerno sa oras ng lindol.

Aniya, mayroon ding full scale simulation exercise na isinasagawa upang i-check kung handa ang mga member agencies ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Councils sa pagtugon sa anumang ewentualidad.

Binigyang-diin ni Pagsolingan ang basic na dapat malaman ng publiko kapag may lindol – ang duck, cover and hold.

Dapat aniyang mag-duck, cover and hold muna upang maprotektahan ang sarili at huwag agad lumabas ng kinaroroonan habang nangyayari ang pagyanig. Pagkatapos ng pagyanig ay saka pa lamang mag-evacuate patungo sa mga designated evacuation areas sa bahay, eskwelahan o opisina.

Pinaalalahanan din ni Pagsolingan ang publiko na huwag magpadala sa panic dahil kahit alam ang tamang hakbang, kung magpa-panic ay hindi magagawa ang kinakailangang aksyon para maging ligtas.

Ayon kay Pagsolingan, kaya quarterly isinasagawa ang NSED ay upang ma-test at masiguro na handa ang mga kababayan sa tamang aksyon kapag may lindol.

Ibinahagi rin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng go bag sa bawat kabahayan na good for 72 hours o tatlong araw na naglalaman ng pagkain na hindi madaling masira, tubig at iba pang mahahalagang gamit.

Kaugnay naman ng family preparedness, pinayuhan ni Pagsolingan ang bawat pamilya na pagplanuhang mabuti kung saan magkikita-kita kung sakaling mawala ang komunikasyon dahil kadalasan ay nawawala ang internet connection at signal pagkatapos ng lindol.

Dapat aniyang alam ng bawat miyembro ng pamilya – tatay na nasa trabaho, nanay na nasa ibang lugar, mga anak na nasa eskwelahan, at lolo at lola – kung saan ang designated meeting point o rendezvous point ng pamilya sa oras ng emergency.