Natupok ng apoy ang isang bahay sa Zone 4, Eastern Babaan, Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City, bandang alas-6:40 ng gabi, matapos ang mahigit 20 minutong pagsisikap ng mga residente na apulahin ang sunog.

Naging susi ang bayanihan ng mga magkakapitbahay upang mapigilan ang pagkalat ng apoy sa mga kalapit na kabahayan.

Gumamit ang mga residente ng tubig mula sa tatlong poso sa lugar, gayundin ng mga timba at iba pang kagamitan upang agad na maapula ang sunog habang hinihintay ang pagdating ng Bureau of Fire Protection o BFP.

--Ads--

Ayon kay Elizabeth Simbulan, kapitbahay ng may-ari ng nasunog na bahay, agad siyang humingi ng tulong nang mapansin niyang malakas na ang apoy sa katabing tahanan.

Nagtulungan ang mga residente, kamag-anak at iba pang kapitbahay, habang may ilan pang umakyat sa bubong upang mapigilan ang pagkalat ng apoy.

Samantala, sinabi ni Leynard Capitle, may-ari ng nasunog na bahay, na umalis sila ng kaniyang kinakasama upang bumili ng uling at bigas para sa kanilang hapunan.

Laking gulat na lamang nila nang makabalik at makitang natutupok na ng apoy ang kanilang tahanan.

Wala silang nailigtas na kagamitan maliban sa ilang damit na nakasampay sa labas.

Sa ngayon, wala munang matutuluyan sina Capitle kaya umaasa siya sa tulong ng kanilang mga kapitbahay at nananawagan sa publiko sa mga nais magpaabot ng tulong.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang sanhi ng sunog at isinara na rin ang lugar habang isinasagawa ang pagsusuri.