Tuluyan nang natanggal sa 2026 FIFA World Cup ang isa sa mga itinuturing na powerhouse team na Senegal kasunod ng matagumpay na comeback ng Belgium sa naging bakbakan ng dalawa sa Seattle Stadium ngayong araw, July 2.
Hinabol ng Belgium ang 2-0 na pagkakabaon unang 51 minuto ng laban at ibinulsa ang 3-2 win sa huling yugto ng match.
Una kasing naipasok ng Senegal striker na si Habib Diarra ang isang goal sa ika-25 minuto ng laban na sinundan pa ng kaniyang kasamang si Ismaïla Sarr sa simula ng second half, o sa ika-51 minuto ng laban.
Hawak ang 2-0 na bentahe, nagpatuloy ang matibay na depensa ng African team, ngunit binaliktad ng mga substitute ng Red Devils ang sitwasyon sa huling bahagi ng laban.
Pagpasok ng ika-86 na minuto, binuhat ni Belgian midfielder Romelu Lukaku ang koponan para sa kanilang unang goal.
Makalipas lamang ang tatlong minuto (89th), ipinasok naman ni Youri Tielemans ang equalizer sa pamamagitan ng isang magandang header para ipuwersa ang laro sa extra time.
Sa huling bahagi ng dikitang laban, kung kailan inaasahan ng lahat ang penalty shootout, nagkaroon ng kontrobersyal na VAR review dahil sa isang goal attempt.
Kasunod nito, ginawaran ng penalty kick ang Belgium. Naging maganda naman ang sipa ni Tielemans na naging daan para hawakan ng koponan ang bentahe sa pagtatapos ng laban.
Nangyari ang penalty kick sa ika-125 na minuto ng laban at ito ang itinuturing ngayon na pinakahuling game-winning goal sa kasaysayan ng World Cup.
Dahil sa panalo, makakaharap ng Belgium ang Team US sa Round of 16.










