Dagupan City – Isang malaking hakbang para sa LGBTQIA+ community ang inihain na “Sharmaine Bill” na naglalayong kilalanin ang identidad ng mga transgender at intersex na Pilipino.
Ayon kay Anne Marie Trinidad, dating pangulo ng LGBTQIA+ Community sa Urdaneta City, mahalagang maisulong ang panukalang batas upang mabigyan ng mas malinaw na pagkilala at proteksyon ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa bansa.
Sinabi niya na isa sa mga hamon sa pagtalakay ng mga panukalang may kaugnayan sa sektor ay ang kakulangan ng kaalaman at pananaliksik ng ilang mamamayan, na nagiging dahilan umano ng mga puna at pagtutol sa mga naturang hakbangin.
Binanggit din ni Trinidad na halos dalawang dekada nang nakabinbin ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression o SOGIE Bill, ngunit hindi pa rin ito naipapasa.
Dahil dito, aniya, naghain ang Akbayan Party-list ng “Sharmaine Bill” bilang panibagong hakbang upang isulong ang pagkilala sa identidad ng mga trans at intersex Filipinos.
Ayon pa sa kanya, bagama’t maraming mahahalagang usapin na dapat tugunan ng pamahalaan, hindi dapat maisantabi ang mga panukalang may layuning protektahan at itaguyod ang karapatan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.
Ipinaliwanag din ni Trinidad ang mga legal na hamong kinakaharap ng ilang LGBTQIA+ couples, kabilang ang mga proseso at dokumentasyong kinakailangan sa mga usaping may kinalaman sa pagkilala sa kanilang relasyon at identidad.
Samantala, pinuri niya ang naging hakbang ng mga opisyal sa Naga City matapos nitong isulong ang taunang commitment ceremony para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community bilang pagkilala sa kanilang mga samahan at relasyon.
Ikinalungkot naman ni Trinidad ang pagkamatay ng isang miyembro ng LGBTQIA+ community na napaulat ngayong buwan ng Pride Month. Binigyang-diin niya na ang hustisya ay para sa lahat anuman ang kasarian o pagkakakilanlan, at nanawagan siya ng patas na pagtrato at agarang pananagutan sa mga insidenteng may kinalaman sa karahasan at diskriminasyon.










