Lingayen, Pangasinan – Itinalaga ang bayan ng Lingayen bilang pilot venue ng National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na nakatakdang isagawa bukas sa buong bansang Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ni Vincent Chiu, Operations Supervisor ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Pangasinan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.
Ayon kay Chiu, gaganapin ang drill sa Lingayen katuwang ang lokal na pamahalaan ng Lingayen at ang Office of Civil Defense (OCD).
Sinabi ni Chiu na simula pa kahapon ay nagsagawa na ng series of meetings para sa paghahanda hanggang ngayong hapon.
Aniya, narito na rin mula kahapon ang Office of Civil Defense at ang response cluster ng lalawigan at ng LGU Lingayen, kabilang ang mga barangay kung saan gaganapin ang aktibidad, at tuloy-tuloy na ang paghahanda para bukas.
Ipinaliwanag ni Chiu na quarterly isinasagawa ang NSED base sa memorandum na inilabas ng OCD, ngunit minimum lamang ito.
Maaari aniyang magsagawa ng earthquake drill kahit hindi quarterly ang mga LGU at maging ang private sector sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanilang Municipal at City Disaster Risk Reduction and Management Office o sa LGU upang mabigyan ng guidance.
Binigyang-diin ni Chiu na napaka-importante ng paglahok ng publiko sa NSED para sa kahandaan ng mga kababayan pagdating sa lindol.
Ayon sa kanya, sa nakalipas na tatlong taon ay nakita na ang pagtaas ng public awareness, mas naging resilient at vigilant ang mga kababayan, at maging sa mga paaralan ay isinasagawa na rin ang kani-kanilang earthquake drill.
Ibinahagi rin ni Chiu na kamakailan ay pinasinayaan na ang collapsed structures and rescue training facility sa bayan ng Burgos, kung saan mag-uumpisa na ang pagsasanay ng mga rescuers mula sa iba’t-ibang munisipyo at siyudad upang ma-enhance ang kanilang capabilities sa collapsed structure search and rescue pagdating sa lindol.
Tuloy-tuloy pa rin aniya ang development, training at pre-positioning ng mga kagamitan para sa lindol.
Nilinaw ni Chiu na ang gaganaping drill bukas ay all-hazard na, ibig sabihin ay hindi lamang earthquake drill kundi kasama na rin ang tsunami at sunog.
Nanawagan si Chiu sa publiko at sa mga barangay na seryosohin at isapuso ang paglahok sa earthquake drill dahil hindi masabi kung kailan ito magagamit, at mag-conduct din ng sariling earthquake drill sa kanilang barangay upang ma-familiarize ang mga residente sa evacuation plan, lalo na sa mga nasa tabi ng dagat.










