Nag-isyu na ng subpoena ang Department of Labor and Employment (DOLE) laban kay Ateneo de Manila University men’s basketball team head coach Tab Baldwin.
Sa isang press conference ngayong Huwebes, Hunyo 11, sinabi ni DOLE Acting Secretary Francis Tolentino na ipinatawag si Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin sa tanggapan sa Lunes, alas-10:00 ng umaga, upang ipaliwanag ang kanyang legal na estado sa pagtatrabaho sa bansa.
Ayon sa kalihim, sa ilalim ng Article 40 ng Labor Code ng Pilipinas, may kapangyarihan at awtoridad ang Labor Department na busisiin ang employment status ng sinumang dayuhan sa bansa.
Aniya, walang dayuhang nagtatrabaho sa bansang ito ang mas mataas sa batas, anuman ang kanilang katayuan, reputasyon, o ang institusyong kanilang kinakatawan. Si Coach Baldwin aniya ay nagtatrabaho sa Pilipinas, at sakop ng labor laws ng Pilipinas.
Iginiit din ng kalihim na gagawin ng DOLE ang tungkulin nito na i-beripika na may hawak na balido at kasalukuyang alien employment permit si Baldwin.
Sakaling compliant ito, wala umano siyang dapat ikatakot at kung hindi naman ay aaksyunan ito ng ahensiya nang naayon.
Nilinaw naman ng kalihim na ang pag-subpoena kay Coach Baldwin ay hindi persecution kundi pagtalima sa rule of law.
Ipinaliwanag din ni Tolentino na ang show-cause order laban kay Coach Baldwin, na isang US at New Zealand citizen, ay direktang sakop ng administrative order ng kalihim patungkol sa employment permit ng mga dayuhan.
Ito ay kasunod ng trahedya noong Hunyo 8 kung saan dalawang manlalaro ng Ateneo na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, ang nalunod sa isang team-building activity sa isang resort sa Dipaculao, Aurora.
Dahil sa insidente, inulan ng matinding kontrobersiya ang pamunuan ng Ateneo at si Coach Baldwin.
Humiling na rin ang kampo ng pamilya Baterbonia na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order ang Department of Justice (DOJ) laban kay Baldwin upang matiyak na mananatili siya sa bansa habang gumugulong ang imbestigasyon.










