Dagupan City – Nakapagtala na ng kabuuang 2,106 kaso ng dengue sa Region 1 mula Enero hanggang Mayo 23, 2026.

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng CHD Region 1, mas mababa ng 13.9 porsiyento ang bilang ng mga kaso ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.

Gayunman, nakapagtala na rin ng tatlong nasawi dahil sa naturang sakit.

--Ads--

Dahil dito, pinaalalahanan ni Bobis ang publiko na maging mapagmatyag sa mga sintomas ng dengue upang agad na makapagpakonsulta.

Kabilang sa mga karaniwang sintomas nito ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit sa likod ng mga mata, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pagkakaroon ng pantal, pagduduwal, at matinding panghihina.

Sa mas malalang kaso, maaari ring makaranas ng pagdurugo sa ilong o gilagid at hirap sa paghinga.

Dito na binigyang diin ni Bobis na bakamamatay ang sakit na dengue kapag napabayaan, kaya’t hinihikayat nito ang publiko na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center o ospital sa oras na makaranas ng mga sintomas ng dengue.

Kasabay nito, muling isinusulong ng Department of Health ang kampanyang 4S Kontra Dengue upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng sakit.

Kabilang dito ang Search and Destroy o paghahanap at pagsira sa mga posibleng pamugaran at pangitlugan ng lamok; Self-Protection Measures o paggamit ng mga hakbang para makaiwas sa kagat ng lamok; Seek Early Consultation o agarang pagpapatingin sa doktor kapag may sintomas; at Support Fogging sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue upang mapigilan ang pagkalat nito.

Nanawagan din si Bobis sa publiko na makiisa sa mga hakbang laban sa dengue upang mapanatiling ligtas ang mga komunidad laban sa sakit na dala ng lamok.