Dagupan City – Inilunsad ang pormal na paglilipat ng pangangasiwa sa Parongking River Restoration Project, sa bayan ng Calasiao matapos ang matagumpay na turnover ceremony na dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan at iba pang katuwang na ahensya.
Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ang pagbuo at pagpapatupad ng proyekto bilang bahagi ng mas pinaigting na programa sa disaster preparedness at kaligtasan ng mga komunidad.
Layunin nitong maibalik ang maayos na daloy ng ilog at mabawasan ang panganib ng pagbaha sa mga karatig na lugar.
Sa nasabing seremonya, opisyal na ipinasa ang pangangalaga ng proyekto sa Lokal na Pamahalaan ng Calasiao sa pamumuno ni Mayor Patrick Caramat.
Inaasahan na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang maintenance at pangangalaga upang matiyak ang pangmatagalang pakinabang nito sa mga residente.
Binigyang-diin ng mga opisyal na ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na hakbang sa disaster prevention at mitigation ng lalawigan, na nakatuon sa pagbibigay ng ligtas at matatag na kapaligiran.
Kasabay nito, nanawagan ang mga awtoridad sa mga barangay at mamamayan na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan ng ilog at kapaligiran upang maiwasan ang pagbaha at masiguro ang tuloy-tuloy na benepisyo ng proyekto sa komunidad.










