Magsisimula na sa Nobyembre 10 ang voter registration sa lungsod ng Dagupan para sa paghahanda sa May 2028 National and Local Elections.

Ito ang kinumpirma ni Atty. Michael Fraanks Sarmiento, Election Officer ng Commission on Elections (COMELEC) Dagupan City, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan.

Ayon kay Sarmiento, 100 porsyentong handa na ang COMELEC Dagupan sa pagbabalik ng voter registration.

--Ads--

Nilinaw niya na ang registration ay isasagawa mula Nobyembre 10, 2026 hanggang Hulyo 2027.

Ang tanggapan ng COMELEC ay sarado tuwing Lunes. Ang registration ay isasagawa tuwing Martes hanggang Sabado, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Bukod sa on-site registration sa tanggapan ng COMELEC, magsasagawa rin ng satellite registration ang lungsod ng Dagupan tuwing Biyernes at Sabado sa NEPO Mall Dagupan.

Sa ngayon aniya ay makikipag-ugnayan pa lamang sila sa mga punong barangay para sa iba pang satellite registration sites.

Ayon kay Sarmiento, sa panahong ito ay tatanggapin ang lahat ng uri ng transaksyon – ang mga bagong magpaparehistro, lilipat ng voting residence tulad ng mula Calasiao patungong Dagupan, mag-u-update ng civil status, magpapa-correct ng spelling ng pangalan o birthday, at mag-a-apply ng reactivation para sa mga natanggal sa listahan.

Para sa mga bagong magpaparehistro at lilipat, kailangan lamang magdala ng anumang valid ID na may naka-indicate na present address sa lungsod ng Dagupan tulad ng National ID, Student ID, Driver’s License o NBI Clearance. Kung walang present address sa ID, maaaring magdagdag ng proof of billing na may present address sa Dagupan.

Para naman sa mga magpapa-correct ng pangalan o mag-u-update ng civil status, maaaring magdala ng marriage certificate o birth certificate.

Nilinaw ni Sarmiento na ang registration na ito ay paghahanda para sa presidential election sa May 2028, kaya’t ang mga under 18 years old pa sa ngayon ay hindi pa tatanggapin, maliban kung mag-e-18 na sila sa May 2028.

Hindi aniya ito para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections dahil may umiiral na batas na nagpapaliban dito.

Conservative estimate aniya ng COMELEC Dagupan na madadagdagan ng 2,000 registered voters ang kasalukuyang 143,000 na grand total ng lungsod hanggang sa matapos ang registration.

Nanawagan si Sarmiento sa publiko na samantalahin na ang mahabang panahon ng registration at huwag nang antayin ang deadline.

Ibinahagi niya na noong huling registration, umabot sa 600 ang nagparehistro sa huling araw at mahigit 100 pa ang hindi nabigyan ng pagkakataon dahil inabutan ng cut-off.