Dagupan City – Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang 32 anyos na lalaki matapos maaresto sa ikinasang buy-bust operation sa bayan ng San Fabian.
Isinagawa ang operasyon pasado alas-kwatro ng hapon sa Barangay Poblacion, sa naturang bayan, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga at loose firearms.
Sa ulat ng mga awtoridad, nagresulta ang operasyon sa pagkakasamsam ng isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.2 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit isang libong piso. Isinailalim na sa pagsusuri ang nakuhang ebidensiya upang matukoy ang komposisyon nito.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din mula sa suspek ang isang caliber .38 revolver at tatlong bala nito. Patuloy na inaalam ng mga imbestigador kung may kaugnayan ang baril sa iba pang insidente sa lugar at kung ito ay rehistrado.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearms.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang reklamo sa piskalya para sa inquest proceedings.










