Pormal na kinumpirma ng Commission on Elections o COMELEC–Mangaldan na tuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2 ngayong taon.
Inihayag ito ni Election Officer IV Gloria S. Cadiente sa buwanang pagpupulong ng mga punong barangay sa ilalim ng Liga ng mga Barangay na pinangunahan ni LnB President at Councilor Florida G. Abalos nitong Pebrero 24.
Sa naturang pulong, sinabi ng COMELEC na nasa 2,800 botante sa bayan ang kasalukuyang deactivated at kailangang magpa-reactivate upang makaboto sa BSKE.
Ipinaliwanag na awtomatikong nade-deactivate ang isang rehistradong botante kapag hindi ito nakaboto sa dalawang magkasunod na halalan.
Dahil dito, hiniling ng poll body ang tulong ng mga opisyal ng barangay upang maabot at maabisuhan ang mga apektadong residente.
Bukas umano ang tanggapan ng COMELEC kahit tuwing Sabado at mga idineklarang holiday upang tumanggap ng aplikasyon para sa reactivation at iba pang transaksyon sa voters’ registration.
Nakahanda rin ang opisina na magsagawa ng satellite registration sa mga barangay, basta’t may pormal na kahilingan mula sa lokal na pamahalaan.
Samantala, binigyang-pugay sa pagpupulong ang limang barangay na may pinakamataas na bilang ng mga bagong rehistradong botante mula Oktubre 2025 hanggang Pebrero 23, 2026.










