Dagupan City – Ikinasawi ng isang sundalo habang ikinasugat naman ng apat na iba pa ang nangyaring aksidente sa kahabaan ng National Highway sa TPLEX sa Barangay Caramutan bayan ng Villasis.

Sakay ng kanilang military truck ang mga sundalo at pabalik na sa kanilang kampo mula sa Balikatan Exercises nang mangyari ang insidente.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat, sumabog umano ang isang gulong ng sasakyan na naging dahilan para mawalan ng kontrol ang drayber.

--Ads--

Dahil sa mabilis na pangyayari, nahulog ang military truck, nagpagulong-gulong sa gilid at ibabang bahagi ng kalsada kaya nabaliktad.

Nagresulta ito ng pagkasawi ng isang sundalo samantalang apat na kasama ay nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis namang tumulong ang mga nakakita sa pangyayari at nakatawag ng mga responder para matulungan ang mga biktima at madala sa pinakamalapit na ospital.

Sa kasalukuyan, maayos na ang kalagayan ng apat na sugatang sundalo.

Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa lahat ng mga byahero na ugaliing suriin ang kanilang mga sasakyan bago magbiyahe para maiwasan ang mga aksidente at hindi magdulot ng abala o panganib sa mga daanan.