Isang citizen’s complaint ang isinampa sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa dalawang flood control projects sa ika-4 na distrito ng Camarines Sur.
Kinilala ang nagreklamo na si Romeo Aguirre Penilla mula Marilao, Bulacan.
Kabilang sa mga inireklamo ay si Camarines Sur 4th District Representative Arnulf Bryan Fuentebella, Department of Public Works and Highways (DPWH) 4th District engineers Gemma Timbang at Nestor Gorimbao, kasama ang mga contractor na sina Alfonso Rivero and Abner Ferrer.
Sinasampahan sila ng reklamo sa umano’y malversation of public funds, gross neglect of duty, grave misconduct, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019, at Government Procurement Reform Act o Republic Act No. 9184.
Ayon sa reklamo, ang kaso ay may kinalaman sa dalawang flood control projects na may kabuuang halaga na P84.19 million.
Ang unang proyekto ay flood mitigation structure at drainage system sa Sagñay River sa San Isidro-Nato, Sagñay, na may pondong P37.2 million mula sa 2018 budget.
Bagama’t idineklara itong tapos na noong 2020, ngunit nang inspeksyon nitong 2026 nakita ang malalaking depekto sa istruktura, paggamit ng substandard na materyales, at hindi pagsunod sa disenyo.
Habang ang ikalawang proyekto naman ay isang seawall sa Garchitorena na may pondong P46.99 million mula sa 2022 budget. Idineklara itong 100% kumpleto noong 2023, ngunit batay sa isinagawang inspeksyon noong 2025 lumabas na kulang ito sa steel sheet piles, precast concrete piles, at hindi tamang kapal ng pavement.
Ayon pa sa reklamo, ang pagpapalabas ng full payment sa isang umano’y may depektong proyekto ay posibleng indikasyon ng iregularidad.
Hiniling din ng complainant ang preventive suspension ng mga respondents habang isinasagawa ang imbestigasyon, pati na ang lifestyle check at pagsusuri sa kanilang SALN, bank records, at iba pang financial documents.
Bukas naman ang Bombo Radyo Philippines para sa panig ng mga natukoy na respondent sa reklamo.










