Iniulat ng State weather bureau na nananatiling mahina ngunit aktibo ang Tropical Depression Caloy habang patuloy itong gumagalaw sa Philippine Sea.
Batay sa 11 p.m. tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration(PAGASA) huling namataan ang sentro ng bagyo sa humigit-kumulang 610 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte, nitong Mayo 10, 2026.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 45 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 km/h.
Kumikilos ito pa-west northwest sa bilis na 15 km/h at inaasahang magpapatuloy sa parehong direksyon sa susunod na 12-oras.
Ayon sa weather bureau, hindi inaasahang direktang tatama sa bansa ang naturang tropical depression at wala ring nakataas na wind signals sa ngayon.
Inaasahan ding lalong hihina ang sama ng panahon at posibleng maging remnant low ngayong araw ng Lunes, Mayo 11.










