Iginiit ni Senator Rodante D. Marcoleta na tila ginamit umano ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang kaniyang privilege speech upang magparatang nang walang kumpletong ebidensya kaugnay ng imbestigasyon sa flood control anomalies.
Sa isang pahayag, binatikos ni Marcoleta ang ipinakitang slide ni Lacson na may nakasaad umanong allocable para sakanya, na aniya’y ginamit upang palabasing humingi siya ng P500 milyong proyekto.
Ayon kay Marcoleta, karaniwan lamang sa mga mambabatas ang pag-eendorso ng proyekto para sa kanilang constituents at hindi ito nangangahulugang personal nilang mapapakinabangan ang naturang pondo.
Iginiit din niya na ang mahalagang tanong ay kung naipatupad nang maayos ang mga proyekto at hindi ang simpleng paghingi o pag-endorso ng mga ito.
Hinamon din ni Marcoleta si Lacson na ipatawag sa pagdinig sina Adrian Bersamin, Lean Leviste, at Jojo Cadiz kaugnay ng umano’y accounting ng flood control funds na sinasabing may detalye kung saan napunta ang bilyong pisong kickbacks.
Binanggit din niya ang alegasyon ni Zaldy Co tungkol sa umano’y delivery ng pera sa isang address sa South Forbes at sa pagkakadawit diumano nina Martin Romualdez at mga opisyal ng administrasyon.
Giit ni Marcoleta, dapat umanong ipatawag ang lahat ng personalidad na nadadawit upang mabuo ang “kabuuang larawan” ng kontrobersiya at mabigyan ng hustisya ang taumbayan.
Kasabay nito, muli niyang kinuwestiyon ang hindi pa rin pagtatapos ng Blue Ribbon Committee report matapos ang ilang buwang pagdinig, at tinawag na “partial” at “incomplete” ang kasalukuyang ulat ng komite.










