DAGUPAN CITY- Malabo at mababa ang tsansang pumasok ang Hantavirus Pulmonary Syndrome (HPS) sa Pilipinas subalit, kailangan pa rin itong paghandaan, ayon sa isang doktor.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Glenn Soriano, US Doctor at Natural Medicine Advocate, ang uri ng rodent na pinagmulan ng HPS ay hindi matatagpuan sa Pilipinas, bagay na tanging Human to Human transmission ang posibleng pamamaraan ng pagkalat nito.

Subalit, batay sa mga dokumento, mabababa rin ang tsansa na mailipat ang naturang virus sa nasabing pamamaraan.

--Ads--

Binigyan linaw naman ni Dr. Soriano na ang baga ng tao ang inaatake ng Hantavirus at may pagkakatulad sa leptospirosis ang mga sintomas nito.

Kabilang sa mga maagang sintomas nito ay ang pagkapagod, lagnat, at pananakit ng kalmanan.

Habang karagdagang sintomas ang sakit ng ulo, panginginig, pagduduwal, pagdudumi, at pananakit ng tiyan.

Bagaman, wala pa itong kasalukuyang gamot, makikita naman umano sa mga ebidensya na maaaring gumaling ang isang indbidwal na mayroon nito sa tulong ng sapat na pagpapahinga at suporta ng mga ireresetang gamot.

Binigyan halaga niya ang paglapit sa mga doktor sa maagang panahon upang matiyak ang sakit na nararamdaman.

Mungkahi naman ni Dr. Glenn ang “Prevention is better than cure”, kung saan ang pagpapalakas ng resistensya ang unang panangga laban sa iba’t ibang uri ng viral infections.

Dagdag pa niya, naniniwala siya na buong handa ang gobyerno at ang World Health Organization (WHO) para hindi na ito umabot sa naranasan noong kumalat nag Covid-19.