DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! mahilig ka bang maglaro ng hide and seek?
Paano na lamang kung isang linggo ang magiging official time ng iyong tagu-taguan?
Matapos kasi ang isang linggong pagtakbo at paghahanap ay nahuli na si “Ed,” ang alagang zebra na tumakas at naging viral sa social media matapos tumakbo at magtago nang higit isang linggo sa Tennessee.
Ayon sa Rutherford County Sheriff’s Office, matagumpay na na-trap si Ed sa isang pastulan malapit sa isang subdivision sa Christiana.
Ginamitan ng helicopter ang pagkuha sa kanya, at isinakay siya sa isang animal trailer.
Tumakas si Ed noong Mayo 31, isang araw matapos dumating sa Christiana.
Nakitang tumatakbo sa tabi ng Interstate 24, kaya pansamantalang isinara ang kalsada.
Nag-viral si Ed matapos siyang mamataan sa iba’t ibang lugar, mula sa gubat hanggang sa mga kalsada at kapitbahayan.
Umani rin siya ng mga meme, gaya ng larawang nagpapakitang kumakain umano siya sa Waffle House.
Ang insidente ay kasunod ng isang kaparehong pangyayari kung saan isang kangaroo naman ang tumakas sa Alabama noong nakaraang buwan.