Tinawag na “diplotheatrics” o palabas sa diplomasya ng isang geopolitical observer ang naging pagpupulong nina United States President Donald Trump at Chinese President Xi Jinping, dahil wala umano itong malinaw na naging resulta sa mahahalagang isyu sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon kay Denmark Suede, kapansin-pansin din umano na walang kasamang Chinese business delegates sa naturang summit, habang mga business tycoon naman ang kasama ng panig ng Amerika. Dahil dito, sinabi ni Suede na maituturing na stalemate ang naging pagpupulong, lalo na’t walang malinaw na kasunduan sa ilang sensitibong usapin, kabilang ang digmaan sa Iran.

Kabilang naman sa mga isyung binigyang-diin ng China ang pagtutol nito sa pagkilala sa Taiwan bilang isang malayang bansa. Ayon kay Suede, malaki rin ang pangangailangan ng Estados Unidos sa Taiwan dahil sa mga materyales na ginagamit para sa artificial intelligence at paggawa ng mga sandata.

--Ads--

Dagdag pa niya, maaaring maging mas mabigat para sa Estados Unidos ang epekto ng isang blockade sa Taiwan kumpara sa blockade sa Strait of Hormuz, dahil sa kahalagahan ng Taiwan sa supply chain ng mga high-tech na materyales. Samantala, pinalawig umano ng dalawang bansa ang kanilang trade agreement nang tatlong buwan hanggang Enero, habang nananatili ang pangamba ng China sa direktang komprontasyon sa Estados Unidos. Kasabay nito, binanggit din ni Suede ang muling pagharang umano ng China sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.