Isang lalaki mula sa Oklahoma sa Estados Unidos na muntik nang gugulin ang 30 taon sa death row o hanay ng mga bilanggo na nakatakdang bitayin, ay umamin noong Huwebes sa mas mababang kasong accessory to murder after the fact o pagtulong sa isang krimen matapos itong maganap.

Dahil dito, naiwasan ni Richard Glossip ang ikatlong paglilitis kaugnay ng kasong pagpatay.

Nangyari ang kasunduan sa pag-amin ng sala sa gitna ng inaasahang pagdinig bago ang muling paglilitis na nakatakda sanang isagawa sa Disyembre kaugnay ng kasong first-degree murder o sinadyang pagpatay.

--Ads--

Gayunman, hindi nangangahulugang tuluyan na siyang nakalaya o wala nang parusa.

Nakatakda pa ang kaniyang pagdinig para sa sentensiya sa Disyembre 17–18.

Hihilingin naman ng kaniyang depensa na ibawas sa parusa ang panahong naipagsilbi na niya sa bilangguan, habang nilalayon naman ng mga tagausig na humiling ng karagdagang panahon ng pagkakakulong.

Noong nakaraang taon, pinawalang-bisa ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang hatol na pagpatay laban kay Glossip matapos ang halos 30 taon niyang pagkakabilanggo sa death row.