Umabot na sa walo ang nasawi at 18 ang nasugatan matapos gumuho ang isang 96-taong gulang na apartment building sa 1321 Flatbush Avenue, Flatbush, New York. Anim sa mga biktima ang namatay on the spot habang dalawa ang binawian ng buhay sa pagamutan. Ang mga biktima ay may edad 2 hanggang 31 taong gulang at pawang mga Mexicano, Colombian, at Ecuadorian.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Isidro Madamba, unang naiulat ang insidente noong Miyerkules at pagsapit ng Biyernes ay idineklara nang accounted na ang lahat ng biktima at nasugatan. Aktibo na rin ang imbestigasyong kriminal ng mga awtoridad sa New York upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagguho.
Isa sa mga tinitingnang anggulo ay ang katandaan ng gusali na itinayo pa noong 1930, at ang katabing construction site sa 625 Bedford Avenue na may aktibong permit para sa excavation at foundation work para sa itatayong 9-storey building. Naglabas na ng stop work order ang Department of Buildings sa nasabing site.
Nabatid na noon pang Marso ay pinatigil na ang construction dahil sa demolisyon na walang overhead protection, ngunit itinuloy pa rin ito noong Abril at Mayo kahit may paglabag. Dahil dito, iniimbestigahan na ang limang construction companies at ipinatigil din ang mahigit 100 pa nilang ongoing projects sa buong New York.
Samantala, nagtayo na ang pamahalaan ng evacuation sites para sa mga apektadong pamilya habang patuloy ang pagbibigay ng tulong ng federal government at ng New York City administration sa ilalim ni Mayor Mamdani.










