Anim na katao, patay habang 16 iba pa ang sugatan sa pamamaril ng isang armadong lalaki sa sentro ng Krakow, Poland, na pinaniniwalaang naimpluwensiyahan ng ideolohiyang extreme right-wing.
Ayon sa pulisya, naganap ang pamamaril nitong Sabado ng hapon sa Main Market Square, isang tanyag na pasyalan sa lungsod, kung saan sapalarang pinaputukan ng suspek ang mga taong naroroon. Kabilang sa mga nasawi ang apat na babae at dalawang lalaki, habang lima sa mga sugatan ay mga dayuhang mula sa Austria, Germany, Portugal, Russia at United Kingdom.
Natagpuan din ng mga awtoridad ang tatlong bangkay sa tahanan ng suspek sa Ostrowiec Świętokrzyski, may layong 200 kilometro mula sa Krakow. Ayon kay Polish Prime Minister Donald Tusk, posibleng kabilang sa mga ito ang malalapit na kapamilya ng suspek.
Kinilala ang suspek bilang isang 25-anyos na Polish national na armado ng mga kagamitang pangmilitar at ilang baril. Arestado na ito at nananatili sa ospital matapos sumailalim sa operasyon. Ayon naman sa Interior Ministry, nagpapakita ang mga paunang impormasyon na may pagkahumaling ito sa mga ideolohiyang extreme right-wing at ultranasyonalismo.
Samantala, dalawang pulis ang kabilang sa mga nasugatan, kung saan kritikal ang kalagayan ng isa. Nagpatupad na ng mas mahigpit na seguridad sa Krakow at kabisera ng Warsaw, habang nagdeklara ang lokal na pamahalaan ng panahon ng pagluluksa hanggang Nobyembre 11.










