Dagupan City – Ipinagdiwang ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang National Children’s Month 2026 sa Binmaley Evacuation Center, na may temang “Manindigan! Tumugon at Kumalinga: Sa Batang Handa, Mas Ligtas ang Bansa.”
Pinangunahan ni Mayor Pedro A. Merrera III, katuwang si ECCD Focal Person Jonalyn F. Anchiboy, ang programa na dinaluhan ng mga batang mag-aaral mula sa iba’t ibang Day Care Centers sa bayan.
Nagtampok ang aktibidad ng mga pagtatanghal sa pagsayaw, pag-awit at pagbigkas ng tula, gayundin ng face painting na personal na ipinagkaloob at pinondohan ni Mayor Merrera.
Layunin ng pagdiriwang na palakasin ang kamalayan sa karapatan, kaligtasan at kapakanan ng mga bata, gayundin ang pagsusulong ng ligtas at mapagkalingang kapaligiran para sa kanilang paglaki.










