Plano ng transport sector na humingi sa pamahalaan ng fix price ng krudo na nasa pagitan ng ₱55 hanggang ₱60 kada litro.
Ayon kay Bernard Tuliao, Presidente ng Alliance United Transport Organization Provincewide – Pangasinan nakipag-ugnayan na siya sa mga lider ng transportasyon sa Maynila at isa sa kanilang layunin ay makipag-ugnayan sa national government upang makabuo ng isang fixed price ng krudo.
Pinaliwanag niya na sa planong ito, aalisin na ang mga ayuda o subsidy mula sa gobyerno.
Layunin nilang mapanatili ang serbisyo sa mga mananakay, kaya’t nakahanda silang maghintay sa kasunduan ng gobyerno at ng nagkakaisang transport sector sa bansa kung ano ang magiging kasunduan ukol sa hakbang na gagawin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa kasalukuyan, nakikitang kailangan ang dagdag-singil sa pamasahe upang makaraos ang mga driver at operator.
May ilang mga commuter aniya ang nagdadagdag naman ng pamasahe.
Pinasalamatan ni Tuliao ang mga commuters na nakikitang may simpatya sa mga drayber.
Dagdag pa niya na nakausap din niya ang POSO Chief sa lungsod na mahigit 50 percent umano ang hindi na lumalabas para pumasada.
Nangangamba siya na baka tuluyan nang hindi lumabas ang maraming driver kapag tuloy-tuloy ang mataas na presyo ng langis sa susunod na linggo.
Samantala, nakatanggap na rin umano ng tulong ang transport sector sa lungsod mula kay Mayor Belen Fernandez, kabilang na ang bigas at groceries.
Mayroon na ring naipasa na listahan ng mga driver sa LGU Calasiao upang makatanggap din ng tulong.
Ayon kay Tuliao, may binigay ding P5,000 mula sa DSWD sa mga tricycle drivers sa lungsod habang hinihintay pa ang ayuda mula naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).










