Dagupan City – Patuloy na pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang kampanya para sa mental health at child protection sa ilalim ng programang SAFEnet, na layuning maiwasan ang bullying, pang-aabuso sa kababaihan at kabataan, at mga kaso ng pagpapatiwakal.

Ayon sa huling ulat, mahigit 800 kabataan ang dumalo sa pinakabagong orientation at training session na nakatuon sa pagkilala ng warning signs, tamang pagtugon, at mabilis na referral sa mga awtoridad at support teams.

Dahil sa patuloy na implementasyon ng mga lecture at awareness campaign, naiulat na bumaba ang ilang kaso ng suicide at iba pang kaugnay na insidente sa lungsod.

--Ads--

Sa kabuuan, umabot na sa 9,300 ang rehistradong SAFEnet advocates sa ilalim ng programang “RUN for SAFE: Secure and Abuse Free Environment,” na kinabibilangan ng mga kabataan, magulang, guro, at iba’t ibang sektor.

Sa pinakabagong update naman, umabot na sa 10,300 ang kabuuang advocates matapos ang mga sunod-sunod na batch ng orientation, kabilang ang “Maaron Ina” group na aktibong lumalahok sa adbokasiya.

Ibinahagi rin ng pamahalaan na ang SAFEnet ay bunga ng pagtutulungan ng city government, DOH, DepEd, PNP, DOJ partners, health professionals, simbahan, at iba pang sektor upang palakasin ang mental wellness, awareness, at community-based intervention sa lungsod.