DAGUPAN CITY- Umabot na sa 28 ang bilang ng mga water meter na ninanakaw sa lungsod ng Dagupan mula enero hanggang Abril ayon sa Pamana Water Dagupan City.
Sa panayam kay Branch Manager Glenn Gomez, karamihan sa mga insidente ay nangyayari sa gabi kung saan nairereport sa kanila kapag umaga dahil nalalaman na lamang ng mga ito kapag wala nang tubig ang kanilang gripo at napag-alaman na nawala na pala ang kanilang water meter.
Aniya na agad namang pinapalitan ng Pamana Water ang mga nawawalang metro para maibalik agad ang supply ng tubig sa mga apektadong bahay ngunit babayaran parin ito ng mga may-ari.
Saad niya na sumulat na ang kompanya sa pulisya para humiling ng tulong at ipaalam sa publiko ang mga insidente.
Binigyang-diin din na ang mga nagnanakaw ay malamang na nagbebenta ng mga metro sa mga junk shop, kahit alam na itong labag sa batas.
Karamihan sa mga insidente ng pagnanakaw ng metro ay nangyari sa Pantal, Mayombo, Malued, Caranglaan at iba pang street.
Hinihiling ng Pamana Water na maging maingat ang mga residente at ireport agad sa kompanya o sa pulisya kung may nakitang kahina-hinalang aktibidad sa paligid ng kanilang water meter.










