DAGUPAN CITY- Hindi buong natugunan ng Committee on Justice ang kanilang tungkulin sa impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political analyst, tila minamaliit ng komite ang kanilang gampanin dahil sa nililimitahan nila ang kanilang pagtatanong kay Ramil Madriaga.

Aniya, naging istrikto sila sa ‘clarificatory questions’ lamang at iniiwasan ang ‘probing questions.’

--Ads--

Kung mananatili lamang sa ganitong uri ng katanungan ay hindi magiging malalim ang pagsusuri sa mga ebidensya.

Binigyan diin ni Yusingco na kinakailangan din ng komite na magbigay rekomendasyon sa senado, kung impeachable offense o hindi, sa oras na iaakyat na ang articles of impeachment.

Giit pa niya, marami sa mga mambabatas ang hindi nauunawaan ang kanilang tungkulin sa impeachment process at nawawala ang impartiality o ang pagiging pantay.

Samantala, sinabi niya na maraming impormasyon na inilahad si Madriaga na wala naman kinalaman sa impeachment at hindi sapat para magbigay diin sa mga ebidensya.

Gayunpaman, isang malaking bagay na wala ang depensa ng bise presidente dahil may epekto ito sa political image ni Duterte.