Dagupan City – Hinihintay na ng Lokal na pamahalaan ng Manaoag ang magiging desisyon ng gobyerno kung gagawing Special Holiday ang Abril 22 para sa Centennial Canonical Coronation ng Our Lady of the Holy Rosary of Manaoag.
Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na may nauna nang inihain ang Sangguniang Bayan para sa kahilingang special holiday na direktang ipinadala sa Malacañang.
Aniya na mayroon ding resolusyon mula sa mga board member ng kanilang distrito na humihiling sa probinsya para magdeklara sa Abril 22 na special holiday sa buong Pangasinan.
Sa Kongreso naman, naghain na din aniya ang dalawang Representative ng Pangasinan na inaasahang susuportahan ng iba pang representative dito ng bawat distrito para humiling sa Pangulo upang ideklara ito sa buong Pilipinas.
Sa kabilang banda, patuloy naman ang kanilang ginagawang pagsasaayos sa mga hindi natapos na konstruksyon malapit sa simbahan kung saan ang iba ay bubuksan sa mga susunod na linggo habang ang iba ay pansamantalang tatakpan muna para hindi maging eyesore sa mga bisita.
Dahil isang linggo na lamang mula ngayon ang kaganapan ay patuloy na hinihikayat ng opisyal ang mga nasa vulnerable na sektor tulad ng mga buntis, matatanda, at mga bata na magdala ng tubig at panangga sa init o huwag na makipagsiksikan dahil madami ang taong pupunta sa lugar upang maiwasan ang anumang aberya lalo na sa kanilang kalagayan.
Sa bahagi naman ng seguridad, binigyang-diin ng alkalde na nakalatag na ang maayos na koordinasyon ng mga kapulisan sa kanila at nagpasalamat sa suporta ng pamahalaang panlalawigan sa kaganapang ito sa kanilang bayan.
Samantala, inaasahan naman na magiging istrikto ang mga otoridad sa mismong event kung saan may mga checkpoint at mga tauhang magbabantay o nakatalaga sa buong bisinidad ng simbahan para tiyakin na walang mang-aabuso sa inaabangang makasaysayang kaganapan sa mga deboto ng mahal na birhen ng Manaoag.










